Monday, October 22, 2018

Poltergeist?

September, 2018 noong nakarang buwan lang, umuwi galing Middle East ang pinsan kong si Ate Lizzie. Doon siya nagtatrabaho bilang isang nurse at minsan sa isang taong nagbabakasyon sa Pilipinas. Magkapatid ang mga nanay namin. At dahil dalawa lang silang babae sa limang magkakapatid, malapit sila sa isa't-isa at kaming magpipinsan, para na ring magkakapatid.

Dahil bihira umuwi si Ate Lizzie, nagyaya siya mag-out of town kami.
Mga puno at pusa sa exclusive village
sa Tagaytay na pinuntahan namin. 
Pinili ng pamilya ang Tagaytay. Hindi mahaba ang oras na ibabyahe namin at bukod doon, sagot ng girlfriend ng isa ko pang pinsan na si Leo ang bahay. Miyembro kasi ito sa isang club sa isang exclusive village doon. Malalaki ang mga bahay at may mga condo-style units sa malawak na property na ipinapaarkila sa mga bakasyonista.

Dalawang unit ang inarkila para sa aming buong magkakamag-anak. Isang regular na kuwartong may queen size bed, pantry at toilet and bath ang binigay sa pamilya namin dahil lilima lang kami kasama ng tatay ko, nanay, at dalawa ko pang kapatid na lalake. Ang isang unit naman ay mas malaki. two storey house na may kusina, dalawang kuwarto sa ibaba, dalawang kuwarto sa itaas, sala, dining area, at balkon. Malaki kasi ang pamilya ng Auntie ko. tatlo sa limang anak niya, may mga anak na ring mga bata at teenagers. Ang isang pinsan ko, dala ang baby niya na inaalagaan ng yaya nito.

Kabigha-bighaning pine trees.
Doon kami sa malaking unit na yun kumain at nagkuwentuhan. Ang mga pamangkin ko, nag-boardgames habang ang mga pinsan ko, pagluluto ng hapunan namin ang inatupag.

Pagkatapos ng hapunan, nakapalibot kami sa mahabang mesa at kanya-kanyang kuwentuhan. Si Kuya Leo, naglabas ng bote ng Red Label at nagpatugtog mula sa spotify ng Eighties hits. Tandang-tanda ko pa na nag-request pa ako ng The Promise ng When in Rome. Nandoon ako nakatayo malapit sa Console table na may dalawang malalapad na kahoy sa pader na ginawang shelves.

Nakatayo kami ni Kuya Leo sa magkabilang dulo ng console table.

Kaninang umga, pinagmasdan ko pa ang mga display na nakapatong sa shelves. Mga country figurines, vase at isang puting ceramic letter/file rack.

Party-party pa kami habang kumakanta na ang Depeche Mode sa spotify nang may makita ako sa gilid ng mata ko na lumipad o humagis sa ere. Naglanding ito agad ilang pulgada lang ang layo sa pamangkin kong nakaupo sa mesa. Lumagapak ito at nabasag!

Natahimik kaming lahat. Pinatay ng pinsan ko ang media player ng cellphone niya.  Nakita namin sa sahig ang puting ceramic letter holder na basag sa sahig.
Ang console table. Nakapatong ang
ceramic letter holder sa second shelf.
Pansinin ang basag na letter holder sa
tabi ng basket. 

"Anong nangyari?", tanong ng Tiyahin ko.

"Sinong nakasagi?", tanong ng Nanay ko.

Sabay  kami ni Kuya Leo sumagot, "Wala."

Pano'ng wala? Di namin mapaliwanag. Bukod samin ni Kuya Leo, wala namang ibang tao na nakatayo malapit sa console table. Kung meron man, makikita namin.

"Ano, multo?", may nagtanong. "May nakasagi diyan!"

Ang yaya ng baby ng isa kong pinsan, nagsalita, "Walang nakasagi. Nagulat nga ako, nakita ko parang may lumipad. Akala ko pa nga, papel." Nakaupo kasi siyang nakaharap ng console table.

Trajectory ng pagbagsak.


Di namin mapaliwanag kung ano ang nangyari. Pero di kami natakot at kinilabutan. Tuloy pa nga ang kuwentuhan namin pagkatapos noon. Noong gabi, doon pa natulog ang bunso kong kapatid na lalake sa sala. Wala namang nagparamdam o nagpakita. Si Kuya Leo na noong bata pa, madalas pinagpapakitaan at nakakaramdam, wala rin naranasan.



Umuwi kami kinabukasan na di maalis ang tanong sa isip. Ano nga ba talaga ang nangyari? Lamang-lupa ba iyon na naingayan sa ginagawa namin? O espiritu na natuwa at naki-bonding sa pamilya namin?

Pagmasdan ang layo ng pagitan
  ng console table (sa kaliwa)sa dining table.
Sa likod ng unang upuan ito bumagsak.
Ilang araw pagkatapos noon, naalala ko ang isang paliwanag ng mga siyentipiko tungkol sa Poltergeist Phenomenon na nabasa ko noon sa college librar. May pagkakataon na hindi ito gawa ng espiritu kundi repressed na enerhiya na nanggagaling sa isang taong dumadaan sa adolescence o puberty. Ang totoo niyan, karamihan sa mga research sa mga kaso ng poltergeist, involved ang mga teenagers na may matitinding pinagdadaanan sa buhay.

Kung totoong nga ang teorya ko, sino sa kanila ang may pinagdadaanang napakatindi na  unconsciously nagpagalaw ng letter holder?

****
Mapayapang takipsilim sa inyong lahat.
Close up ng nabasag na ceramic letter holder.

No comments:

Post a Comment