Napanood niyo sigurado ang Undin Episode ng
Shake, Rattle and Roll 3 (1991). Yung kuwento ni Manilyn Reynes na aksidenteng
nakabitbit ng undin mula sa beach kung saan sila nag-outing ng mga kabarkada
niya.
Habang nasas
loob ng banyo ng boarding house si Manilyn, kumakanta siya ng Unchained Melody.
Ang di niya alam, sumisilip mula sa kubeta sa loob ng isang cubicle ang
Undin.
"Oh, my
love, my darling...I hunger for your touch..."
Lumang kanta na ito. 1960's pa. Pero noong panahon na iyon, nakakatawa ang reference nito sa sikat na
Hollywood film na "Ghost"(1990) kung saan ito ang theme song.
May
pagkaganito ang susunod kong kuwento. Mumu sa comfort room ng building kung
saan ako nagtatrabaho.
****
May isang 24
hour restaurant sa unang palapag ng building na ito noon. Sarado na ngayon ang
restaurant na ito kung saan ako inuumaga madalas sa pagsusulat para maipasa sa takdang
deadline.
Ang mismong restaurant na nagsara na nitong taon. Mula sa Foursquare.com at kuha ng isang Jeanne S. Nasa kanang bahagi, katabi ng TV, ang backdoor papuntang comfort rooms. |
Agosto, 2014
noon, lagpas alas-dose na ng gabi. May ihahabol akong iskrip para sa taping
bukas nang naisip kong magtrabaho ng puyatan sa resto. Kilala na ako ng mga
waiter doon dahil halos araw-araw akong doon na nagsusulat.
Pumuwesto ako
sa paborito kong mesa at nagsimulang magtipa sa laptop.
Noong bandang
alas-tres ng umaga, nakaramdam ako ng tawag ni Inang Kalikasan. Tumayo ako at
tumungo sa C.R.
Hindi kadikit
ng restaurant ang CR. Lalabas ka pa sa backdoor papunta sa common comfort room na
laan sa dalawa pang kainan.
Binuksan ko
ang mabigat na pintuang kahoy na malakas ang paglaginit. At dahil may door
closer ito na nakakabit sa itaas, hinatak nito ang pintuan pasara nang kusa.
Madidinig pa ang paghigop ng hangin bako ito tuluyang sumara.
Ako lang ang mag-isa sa loob ng C.R. Nagtungo
ako sa hilera ng tatlong toilet cubicles at pumasok sa gitnang cubicle at
nagsimulang umihi...
Nang bigla na lang namatay ang ilaw!
Nagulat ako. Sigurado ako na walang ibang tao sa
loob. Dinig na dinig ko pa na may naghampas ng switch!
PLAK!
Naisip ko, baka may nang-good time sa akin? Pero
papano? Wala naman akong narinig na bumukas ng pinto.
At ako na lang ang customer sa restaurant no’ng madaling araw na ‘yon.
Sobrang dilim sa loob ng CR. Wala akong
maaninag. Nagsimula na rin akong makaramdam ng takot.
Habang umiihi, nagmamadali kong kinapa ang
cellphone ko sa bulsa. Gamit ang isang kamay, pilit kong binuksan ang cellphone
at hinanap ang “torch/flashlight”.
Pero bago ko pa mapindot, biglang nadinig ko
ulit ang paghampas sa switch.
PLAK!
Bumukas ang ilaw.
Nakiramdam ako. May ibang tao ba sa labas ng
cubicle? Wala.
Bumukas ba ang pintuan at may pumasok? Wala.
Nagmamadali akong nag-flush ng kubeta at itinaas
ko agad ang zipper ng pantalon ko. Nanginginig akong naghugas ng kamay na
nakatungo. Ayaw kong tingnan ang salamin (sabi kasi sa mga kuwentong katatakutan
baka may makita akong mumu na nakatingin sa akin mula doon)!
Lumabas ako agad ng CR at pumasok sa backdoor ng
resturant. Tumakbo ako agad sa waiter.
“Chookie!!!” Sigaw ko.
“Sir, bakit?”, tanong niya na may pagtataka.
“Chookie, umamin ka! May multo ba doon sa C.R?!
Natahimik si Chookie at tumango.
“Lagi nga po may nagpaparamdam diyan ‘pag
madaling araw. Minsan po, nasa loob ako ng cubicle naramdaman kong may
imbisibol na mga kamay na tumakip sa tenga ko. Nadinig ko pa po yung paglapat ng
mga palad!?
“May customer din naman po noon, pinatayan naman
ng ilaw”.
Muntik akong matumba.
Ikinuwento ko sa waiter ang nangyari sa akin at
natakot din siya.
Gusto ko mang magligpit ng gamit at umuwi noon
pero naisip ko na kailangan ko pa rin matapos ang trabaho ko. Walang
multu-multo sa manunulat na naghahabol ng deadline!
***
Mapayapang takipsilim sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment