Buwan ng Mayo, 1990, walong taong gulang lang ako noon, sinama ng Nanay ko ang tatlo kong pinsan sa pag-akyat namin sa Baguio. Tulad ng mga kinagawian ng ibang bakasyonista noong mga panahong iyon, doon na kami naghahanap ng matutuluyan.
Isang lodge/hotel ang napili ng mga magulang ko. Isang lumang bahay na gawa halos sa kahoy, may mga malalaking sliding door ang bawat silid na diretso sa malawak na hardin na may mga pine trees.
Nito lang, tinanong ko si Mama kung ano nga ulit ang pangalan ng malaking bahay na iyon. Hinanap ko ito sa Google at lumabas naman. Operational pa ito. Ang nakakapagtaka, walang kahit isang litrato ng bahay akong nakita. Isang mababang burol lang na may ilang pine trees ang nakakabit sa pangalan nito.
Nagandahan si Papa sa lodge na ito. Tatlong taon din siyang tumira sa Baguio noong binata pa siya at pinadala doon ng kompanya. Naalala niya siguro dito ang luma niyang bahay noon.
Dahil marami kami (ang mga magulang ko, ang dalawa kong kapatid at ako; tatlong pinsan at isang kasambahay), minabuting ibigay sa amin ng manager ang isang pahabang silid na may mga magkakadikit na iron bed, nakahilera, sa magkabilang pader. Lumikha ito ng pasilyo o daanan sa pagitan ng mga kama. Sa isang dulo ng mahabang silid, nandoon ang sliding doors palabas ng hardin. Sa kabilang dulo naman, ang cabinet area at pintuan ng banyo.
Doon sa may banyo, sa dulo, ang napiling kama ng Nanay ko. Katabi ng cabinet na may ilaw at pinto ng banyo.
Mahimbing kaming natulog noong gabing yun.
Pagkagising ko sa umaga, nagulat na lang ako na nag-eempake na sina Mama at Papa, nagbubulungan. Ang mga kapatid ko, naglalagay na rin ng mga damit sa bag.
"Bakit", tanong ko sa kapatid ko. "Sabi ni Mama, lilipat daw tayo ng ibang hotel".
Nagtaka ako at ang mga kapatid ko dahil hanggang sa makalabas ang sasakyan namin sa gate ng compound, tahimik lang ang nanay ko. Napansin ko naman si Papa na bumubulong ng dasal habang nagmamaneho.
Noong bumabagtas na kami ng highway, saka nagkuwento si Mama sa totoong dahilan kung bakit nagdesisyon sila ni Papa na lumipat.
*****
Noong nakaraang gabi, habang himbing kaming lahat, gising pa ang Nanay ko. May insomnia kasi siya at ang kanyang pampalipas ng oras, ang magbasa ng makapal na romance novel hanggang sa mapahikab na siya at nagdesisyon na matulog na. Ipinatong niya ang libro sa side table at inabot ang ilaw para patayin.
Pero natigilan si Mama at napatulala.
Nakita niya ang isang ulap o usok na korteng tao. Korteng babae. Lumulutang nang dahan-dahan mula sa cabinet sa tapat niya, sa pasilyo sa pagitan ng mga kama, hanggang sa makarating ito sa sliding doors sa kabilang dulo at naglaho na lang palabas ng hardin.
Kuha ni Capt. Hubert Provand sa Raynham Hall sa Inglatera (1936) |
Kinilabutan ang nanay ko. Nagtaklob ng kumot sa ulo at inabot na ng umaga't di na nakatulog. Pagkagising, sinabi niya agad kay Papa ang nangyari.
Minabuti nilang di ito sabihin sami'ng mga bata para di kami matakot habang nandoon pa kami sa lugar na yun.
Inikot namin ang Baguio para maghanap ng malilipatang hotel. May nakita kami, sa may Laoakan road. Isang bagong tayong hotel. Moderno ang hitsura at amenities ng hotel kaya napanatag ang loob ng mga magulang ko. Ilang araw pa ang lumipas, nakalimutan na namin ang kilabot na naranasan ng nanay ko at nag-enjoy kami ng husto. Dito na kami sa hotel na ito namalagi hanggang sa bumaba na kami ng Maynila.
Dalawang buwan ang lumipas, laking gulat namin nang mabalitaan na ang hotel na nilipatan namin, gumuho noong nagkaroon ng malakas na lindol na ikinamatay ng mahigit-kumulang isang libong tao sa Baguio.
Ito ang Hotel Nevada kung saan marami rin ang namatay. Pagkatapos ng maraming taon, marami pa rin ang nagpapatotoo sa mga multong lumilibot sa dating Hotel Nevada na ngayon ay isa nang shopping center.
Di kami makapaniwala na dalawang buwan lang ang nakaraan, dito kami naghanap ng kanlungan para takasan ang Babaeng Usok sa isang haunted lodge.
***
Mapayapang takipsilim sa inyong lahat.
Further reading: https://www.rappler.com/move-ph/issues/disasters/99569-sonia-roco-eyewitness-1990-luzon-earthquake
Hotel Nevada mula sa artikulo ng Rappler, mula sa koleksyon ng Philvolcs |
No comments:
Post a Comment