Wednesday, October 31, 2018

Music Box

Taong 2004. Meeting ng grupo namin sa 13th floor ng building ng kumpanya. Sa elevator, letter C ang label ng 13th floor. Ang 14th at 15th floor, B at A. Magandang excuse para di masulat ang numerong 13 na malas daw.

Hile-hilera ng mga meeting at convention rooms ang buong 13th floor. Madalas dito noon nagbe-brainstorming ang mga grupo ng writers. Kadalasan, inaabot kami dito ng madaling araw. O kaya naman, papasok kami ng building ng hapon, paglabas namin, nakalipas na ang gabi at sumisikat na ang araw.

Minsan inabutan kami ng madaling araw, di namin mahanapan ng solusyon ang isang buhol sa konseptong ginagawa namin.

Sandali kaming nanahimik nang biglang may nadinig kaming tugtog ng music box. Yung madalas sinususian para magpatulog ng sanggol.

Hindi naman "There was a Crooked Man Song"
sa Conjuring 2 ang nadinig namin. 

Nagkatinginan kami ng headwriter ko at ng senior writer. "Kaninong cellphone yun?" Ang tanong.

Kanya-kanya kaming bunot ng cellphone na malinaw na hindi naman nagri-ring.
Imposible din na cell
phone ko yun na ang modelo, 3310 ng Nokia.

Tuloy lang ang pagtugtog ng music box. Pinakinggan namin ng mabuti.

"Sa ilalim ng mesa nanggagaling," sabi ko.

Gumapang ako sa ilalim ng mesa. Medyo inilapat ko ang tenga sa sahig na carpeted.

"Dito nanggagaling!" Pero kahit na anong tingin ko sa paligid, wala naman akong nakikitang pinanggagalingan ng tugtog.

"Isa lang ang ibig sabihin niyan", sabi ng headwriter namin. "Baba tayo sa canteen".

Nagmamadali kaming nagligpit ng gamit at lumabas ng meeting room.

Friday, October 26, 2018

C.R.


Napanood niyo sigurado ang Undin Episode ng Shake, Rattle and Roll 3 (1991). Yung kuwento ni Manilyn Reynes na aksidenteng nakabitbit ng undin mula sa beach kung saan sila nag-outing ng mga kabarkada niya. 

Habang nasas loob ng banyo ng boarding house si Manilyn, kumakanta siya ng Unchained Melody. Ang di niya alam, sumisilip mula sa kubeta sa loob ng isang cubicle ang Undin. 

"Oh, my love, my darling...I hunger for your touch..."

Lumang kanta na ito. 1960's pa. Pero noong panahon na iyon, nakakatawa ang reference nito sa sikat na Hollywood film na "Ghost"(1990) kung saan ito ang theme song. 

May pagkaganito ang susunod kong kuwento. Mumu sa comfort room ng building kung saan ako nagtatrabaho. 

****

May isang 24 hour restaurant sa unang palapag ng building na ito noon. Sarado na ngayon ang restaurant na ito kung saan ako inuumaga madalas sa pagsusulat para maipasa sa takdang deadline.

Ang mismong restaurant na nagsara na nitong taon.
Mula sa Foursquare.com at kuha ng isang Jeanne S.
Nasa kanang bahagi, katabi ng TV, ang backdoor
papuntang comfort rooms. 
Agosto, 2014 noon, lagpas alas-dose na ng gabi. May ihahabol akong iskrip para sa taping bukas nang naisip kong magtrabaho ng puyatan sa resto. Kilala na ako ng mga waiter doon dahil halos araw-araw akong doon na  nagsusulat.

Pumuwesto ako sa paborito kong mesa at nagsimulang magtipa sa laptop. 

Noong bandang alas-tres ng umaga, nakaramdam ako ng tawag ni Inang Kalikasan. Tumayo ako at tumungo sa C.R.

Hindi kadikit ng restaurant ang CR. Lalabas ka pa sa backdoor papunta sa common comfort room na laan sa dalawa pang kainan. 

Binuksan ko ang mabigat na pintuang kahoy na malakas ang paglaginit. At dahil may door closer ito na nakakabit sa itaas, hinatak nito ang pintuan pasara nang kusa. Madidinig pa ang paghigop ng hangin bako ito tuluyang sumara. 

Ako lang ang mag-isa sa loob ng C.R. Nagtungo ako sa hilera ng tatlong toilet cubicles at pumasok sa gitnang cubicle at nagsimulang umihi...

Nang bigla na lang namatay ang ilaw!

Nagulat ako. Sigurado ako na walang ibang tao sa loob. Dinig na dinig ko pa na may naghampas ng switch!

PLAK!

Naisip ko, baka may nang-good time sa akin? Pero papano? Wala naman akong narinig na bumukas ng pinto. At ako na lang ang customer sa restaurant no’ng madaling araw na ‘yon.  

Sobrang dilim sa loob ng CR. Wala akong maaninag. Nagsimula na rin akong makaramdam ng takot.

Habang umiihi, nagmamadali kong kinapa ang cellphone ko sa bulsa. Gamit ang isang kamay, pilit kong binuksan ang cellphone at hinanap ang “torch/flashlight”.

Pero bago ko pa mapindot, biglang nadinig ko ulit ang paghampas sa switch.

PLAK!

Bumukas ang ilaw.

Nakiramdam ako. May ibang tao ba sa labas ng cubicle? Wala.

Bumukas ba ang pintuan at may pumasok? Wala.

Nagmamadali akong nag-flush ng kubeta at itinaas ko agad ang zipper ng pantalon ko. Nanginginig akong naghugas ng kamay na nakatungo. Ayaw kong tingnan ang salamin (sabi kasi sa mga kuwentong katatakutan baka may makita akong mumu na nakatingin sa akin mula doon)!

Lumabas ako agad ng CR at pumasok sa backdoor ng resturant. Tumakbo ako agad sa waiter.

“Chookie!!!” Sigaw ko.

“Sir, bakit?”, tanong niya na may pagtataka.

“Chookie, umamin ka! May multo ba doon sa C.R?!

Natahimik si Chookie at tumango.

“Lagi nga po may nagpaparamdam diyan ‘pag madaling araw. Minsan po, nasa loob ako ng cubicle naramdaman kong may imbisibol na mga kamay na tumakip sa tenga ko. Nadinig ko pa po yung paglapat ng mga palad!?

“May customer din naman po noon, pinatayan naman ng ilaw”.

Muntik akong matumba.

Ikinuwento ko sa waiter ang nangyari sa akin at natakot din siya.

Gusto ko mang magligpit ng gamit at umuwi noon pero naisip ko na kailangan ko pa rin matapos ang trabaho ko. Walang multu-multo sa manunulat na naghahabol ng deadline!

***

Mapayapang takipsilim sa inyong lahat.
  



Wednesday, October 24, 2018

Ang Babaeng Usok

Noong bata pa ako, umaakyat kaming pamilya sa Baguio tuwing bakasyon. Madalas, ang Nanay ko ang nagyayaya. Ilang araw lang naman kami doon. Mga tatlo hanggang limang araw.

Buwan ng Mayo, 1990, walong taong gulang lang ako noon, sinama ng Nanay ko ang tatlo kong pinsan sa pag-akyat namin sa Baguio. Tulad ng mga kinagawian ng ibang bakasyonista noong mga panahong iyon, doon na kami naghahanap ng matutuluyan.

Isang lodge/hotel ang napili ng mga magulang ko. Isang lumang bahay na gawa halos sa kahoy, may mga malalaking sliding door ang bawat silid na diretso sa malawak na hardin na may mga pine trees.

Nito lang, tinanong ko si Mama kung ano nga ulit ang pangalan ng malaking bahay na iyon. Hinanap ko ito sa Google at lumabas naman. Operational pa ito. Ang nakakapagtaka, walang kahit isang litrato ng bahay akong nakita. Isang mababang burol lang na may ilang pine trees ang nakakabit sa pangalan nito.

Nagandahan si Papa sa lodge na ito. Tatlong taon din siyang tumira sa Baguio noong binata pa siya at pinadala doon ng kompanya.  Naalala niya siguro dito ang luma niyang bahay noon.

Dahil marami kami (ang mga magulang ko, ang dalawa kong kapatid at ako; tatlong pinsan at isang kasambahay), minabuting ibigay sa amin ng manager ang isang pahabang silid na may mga magkakadikit na iron bed, nakahilera, sa magkabilang pader. Lumikha ito ng pasilyo o daanan sa pagitan ng mga kama. Sa isang dulo ng mahabang silid, nandoon ang sliding doors palabas ng hardin. Sa kabilang dulo naman, ang cabinet area at pintuan ng banyo.

Doon sa may banyo, sa dulo, ang napiling kama ng Nanay ko. Katabi ng cabinet na may ilaw at pinto ng banyo.

Mahimbing kaming natulog noong gabing yun.

Pagkagising ko sa umaga, nagulat na lang ako na nag-eempake na sina Mama at Papa, nagbubulungan. Ang mga kapatid ko, naglalagay na rin ng mga damit sa bag.

"Bakit", tanong ko sa kapatid ko. "Sabi ni Mama, lilipat daw tayo ng ibang hotel".

Nagtaka ako at ang mga kapatid ko dahil hanggang sa makalabas ang sasakyan namin sa gate ng compound, tahimik lang ang nanay ko. Napansin ko naman si Papa na bumubulong ng dasal habang nagmamaneho.

Noong bumabagtas na kami ng highway, saka nagkuwento si Mama sa totoong dahilan kung bakit nagdesisyon sila ni Papa na lumipat.

*****

Noong nakaraang gabi, habang himbing kaming lahat, gising pa ang Nanay ko. May insomnia kasi siya at ang kanyang pampalipas ng oras, ang magbasa ng makapal na romance novel hanggang sa mapahikab na siya at nagdesisyon na matulog na. Ipinatong niya ang libro sa side table at inabot ang ilaw para patayin.

Pero natigilan si Mama at napatulala.

Nakita niya ang isang ulap o usok na korteng tao. Korteng babae. Lumulutang nang dahan-dahan mula sa cabinet sa tapat niya, sa pasilyo sa pagitan ng mga kama, hanggang sa makarating ito sa sliding doors sa kabilang dulo at naglaho na lang palabas ng hardin.

Kuha ni Capt. Hubert Provand  sa
Raynham Hall sa Inglatera (1936)

Kinilabutan ang nanay ko. Nagtaklob ng kumot sa ulo at inabot na ng umaga't di na nakatulog. Pagkagising, sinabi niya agad kay Papa ang nangyari.

Minabuti nilang di ito sabihin sami'ng mga bata para di kami matakot habang nandoon pa kami sa lugar na yun.

Inikot namin ang Baguio para maghanap ng malilipatang hotel. May nakita kami, sa may Laoakan road. Isang bagong tayong hotel.  Moderno ang hitsura at amenities ng hotel kaya napanatag ang loob ng mga magulang ko.  Ilang araw pa ang lumipas, nakalimutan na namin ang kilabot na naranasan ng nanay ko at nag-enjoy kami ng husto. Dito na kami sa hotel na ito namalagi hanggang sa bumaba na kami ng Maynila. 

Dalawang buwan ang lumipas, laking gulat namin nang mabalitaan na ang hotel na nilipatan namin, gumuho noong nagkaroon ng malakas na lindol na ikinamatay ng mahigit-kumulang isang libong tao sa Baguio.

Ito ang Hotel Nevada kung saan marami rin ang namatay. Pagkatapos ng maraming taon, marami pa rin ang nagpapatotoo sa mga multong lumilibot sa dating Hotel Nevada na ngayon ay isa nang shopping center.

Di kami makapaniwala na dalawang buwan lang ang nakaraan, dito kami naghanap ng kanlungan para takasan ang Babaeng Usok sa isang haunted lodge.

***

Mapayapang takipsilim sa inyong lahat. 

Further reading: https://www.rappler.com/move-ph/issues/disasters/99569-sonia-roco-eyewitness-1990-luzon-earthquake
Hotel Nevada mula sa artikulo ng Rappler,
mula sa koleksyon ng Philvolcs


Monday, October 22, 2018

Poltergeist?

September, 2018 noong nakarang buwan lang, umuwi galing Middle East ang pinsan kong si Ate Lizzie. Doon siya nagtatrabaho bilang isang nurse at minsan sa isang taong nagbabakasyon sa Pilipinas. Magkapatid ang mga nanay namin. At dahil dalawa lang silang babae sa limang magkakapatid, malapit sila sa isa't-isa at kaming magpipinsan, para na ring magkakapatid.

Dahil bihira umuwi si Ate Lizzie, nagyaya siya mag-out of town kami.
Mga puno at pusa sa exclusive village
sa Tagaytay na pinuntahan namin. 
Pinili ng pamilya ang Tagaytay. Hindi mahaba ang oras na ibabyahe namin at bukod doon, sagot ng girlfriend ng isa ko pang pinsan na si Leo ang bahay. Miyembro kasi ito sa isang club sa isang exclusive village doon. Malalaki ang mga bahay at may mga condo-style units sa malawak na property na ipinapaarkila sa mga bakasyonista.

Dalawang unit ang inarkila para sa aming buong magkakamag-anak. Isang regular na kuwartong may queen size bed, pantry at toilet and bath ang binigay sa pamilya namin dahil lilima lang kami kasama ng tatay ko, nanay, at dalawa ko pang kapatid na lalake. Ang isang unit naman ay mas malaki. two storey house na may kusina, dalawang kuwarto sa ibaba, dalawang kuwarto sa itaas, sala, dining area, at balkon. Malaki kasi ang pamilya ng Auntie ko. tatlo sa limang anak niya, may mga anak na ring mga bata at teenagers. Ang isang pinsan ko, dala ang baby niya na inaalagaan ng yaya nito.

Kabigha-bighaning pine trees.
Doon kami sa malaking unit na yun kumain at nagkuwentuhan. Ang mga pamangkin ko, nag-boardgames habang ang mga pinsan ko, pagluluto ng hapunan namin ang inatupag.

Pagkatapos ng hapunan, nakapalibot kami sa mahabang mesa at kanya-kanyang kuwentuhan. Si Kuya Leo, naglabas ng bote ng Red Label at nagpatugtog mula sa spotify ng Eighties hits. Tandang-tanda ko pa na nag-request pa ako ng The Promise ng When in Rome. Nandoon ako nakatayo malapit sa Console table na may dalawang malalapad na kahoy sa pader na ginawang shelves.

Nakatayo kami ni Kuya Leo sa magkabilang dulo ng console table.

Kaninang umga, pinagmasdan ko pa ang mga display na nakapatong sa shelves. Mga country figurines, vase at isang puting ceramic letter/file rack.

Party-party pa kami habang kumakanta na ang Depeche Mode sa spotify nang may makita ako sa gilid ng mata ko na lumipad o humagis sa ere. Naglanding ito agad ilang pulgada lang ang layo sa pamangkin kong nakaupo sa mesa. Lumagapak ito at nabasag!

Natahimik kaming lahat. Pinatay ng pinsan ko ang media player ng cellphone niya.  Nakita namin sa sahig ang puting ceramic letter holder na basag sa sahig.
Ang console table. Nakapatong ang
ceramic letter holder sa second shelf.
Pansinin ang basag na letter holder sa
tabi ng basket. 

"Anong nangyari?", tanong ng Tiyahin ko.

"Sinong nakasagi?", tanong ng Nanay ko.

Sabay  kami ni Kuya Leo sumagot, "Wala."

Pano'ng wala? Di namin mapaliwanag. Bukod samin ni Kuya Leo, wala namang ibang tao na nakatayo malapit sa console table. Kung meron man, makikita namin.

"Ano, multo?", may nagtanong. "May nakasagi diyan!"

Ang yaya ng baby ng isa kong pinsan, nagsalita, "Walang nakasagi. Nagulat nga ako, nakita ko parang may lumipad. Akala ko pa nga, papel." Nakaupo kasi siyang nakaharap ng console table.

Trajectory ng pagbagsak.


Di namin mapaliwanag kung ano ang nangyari. Pero di kami natakot at kinilabutan. Tuloy pa nga ang kuwentuhan namin pagkatapos noon. Noong gabi, doon pa natulog ang bunso kong kapatid na lalake sa sala. Wala namang nagparamdam o nagpakita. Si Kuya Leo na noong bata pa, madalas pinagpapakitaan at nakakaramdam, wala rin naranasan.



Umuwi kami kinabukasan na di maalis ang tanong sa isip. Ano nga ba talaga ang nangyari? Lamang-lupa ba iyon na naingayan sa ginagawa namin? O espiritu na natuwa at naki-bonding sa pamilya namin?

Pagmasdan ang layo ng pagitan
  ng console table (sa kaliwa)sa dining table.
Sa likod ng unang upuan ito bumagsak.
Ilang araw pagkatapos noon, naalala ko ang isang paliwanag ng mga siyentipiko tungkol sa Poltergeist Phenomenon na nabasa ko noon sa college librar. May pagkakataon na hindi ito gawa ng espiritu kundi repressed na enerhiya na nanggagaling sa isang taong dumadaan sa adolescence o puberty. Ang totoo niyan, karamihan sa mga research sa mga kaso ng poltergeist, involved ang mga teenagers na may matitinding pinagdadaanan sa buhay.

Kung totoong nga ang teorya ko, sino sa kanila ang may pinagdadaanang napakatindi na  unconsciously nagpagalaw ng letter holder?

****
Mapayapang takipsilim sa inyong lahat.
Close up ng nabasag na ceramic letter holder.

Wednesday, October 17, 2018

Mapayapang Takipsilim sa Inyong Lahat

Kaluskos sa dilim kapag brownout.

Aninong dumaan sa gilid ng iyong paningin.

Boses ng kamag-anak mong tumatawag sa pangalan mo pero alam mong wala naman siya sa bahay.

Pakiramdam na may umupo sa kama habang nakahiga ka at natutulog.

Sitsit sa labas ng bintana kahit wala namang tao roon.

Yabag ng mga paa na umaakyat ng hagdan.

Umiiyak na bata sa loob ng nakakandadong bodega.

Madalas na nadidinig ko ang mga kuwentong ito mula pa pagkabata. Madalas, ito ang kuwentuhan pagkatapos namin kumain ng hapunan magpamilya. Wala pang internet noon. Tuwing hapon lang ang mga soap opera kaya may panahon pang makipagkuwentuhan ang mga tao.

Pero minsan, ang kinukuwento lang, nararanasan mo rin. Dahil minsan, ikaw ang nasa kuwento at nakakaranas ng kababalaghan.

Dahil kasama na ng buhay ng tao ang mga hindi mapaliwanag na karanasan.

Maligayang pagbabasa at mapayapang takipsilim sa inyong lahat.